Image Via Wikimedia Commons |
Sa Ultra’y nagkagulo mga sigaw ay umalingawngaw
Mula sa libo-libong taong nagbakasali na suwertihin…
Sila’y nag-unahan, nagtulaka’t nagpumilit na
Makapasok sa pintuan nguni’t sadyang mailap
Ang kapalaran, bumulagta't naapakan ang karamihan
Hanggang sila’y bawian ng buhay…
Ang dating masayang umaga ay nabalutan
Ng kalungkutan, iba’t-ibang damdami'y nailarawan
Katulad ng pagkamuhi, pagkasuklam at sisihan
Sa nangyaring trahedya na kailan ma’y ‘di inasahan…
Ang Ultra’y naging libingan ng mga nasawing
Mamamayan na naghangad ng magandang
Kinabukasan, isinugal ang buhay nila’t kapalaran
Na nagwakas sa mundo’t kandungan ni kamatayan…
Iyo'y karanasan na ‘di basta makakalimutan
Ng mga naiwang pamilya’t buong sambayanan
Pati ang Santo Papa sa Roma’y natigilan
Nabigla sa nasaksihang pangyayari
At nag-alay ng dasal para sa mga nasawi…
Kailan ma'y ‘di maitatago ang katotohanan na
Ang kawalan at kahirapan ang siyang dahilan
Kaya libo-libong tao’y sa Ultra’y nagdagsaan
Nagbakasali’t isinugal ang kapalaran kung sakaling
S'wertihin gaganda ang kanilang buhay at kinabukasan…
Noon malimit kong marinig ito: “Heto isang kahig, isang tuka”
Ngayon iba na: “Heto sampung kahig, wala pa rin matuka”
Ang trahedya ay kumitil ng maraming buhay
Sana nagsilbing panawagan ito sa pamahalaan
Na masolusyunan ang ugat ng lahat ng ito: Ang Kahirapan!
No comments:
Post a Comment