Philippine Red Gumamela via Wikimedia Commons |
Alaala ko pa ang tagpong ‘yon
Magkahawak-kamay na nakatayo tayo sa buhanginan
Natutuwa sa ‘di mapakaling mga alon
Na humahalik sa pisngi ng dalampasigan...
Isang dapithapon na ating kinalugdan
Ang haring araw ay palubog noon sa kanluran
Banaag sa kanyang mukha’y kasiyahan
Dala’y pag-asa na bukas muli siyang masisilayan...
Pati malambing na hangin ay naki-ayon
At ilang saglit pa tayong dalawa’y magkayakap na:
Nangako kang ako lang ang iyong iibigin
Mamahalin hanggang sa dulo ng walang hanggan...
Subali’t ang lahat ng pangako mo’y napako
Ni isa walang natupad sa mga sinabi mo
Kirot sa puso ko’y nanatili nang mahabang panahon
Dulot ng iyong pag-ibig na puno ng kasinungalingan...
Pero ngayon ako’y handa na para kalimutan ka
Ililibing ko sa limot na may ngiti ang nakaraan
Tutuldukan ko ang mga alaalang nagdulot ng hapdi
Isasara ko ang nakalipas at iiwanang nakasusi...
Malilimot din kita, ito ang tamang paraan
Ang kailangan ko’y magmahal muli
Gagawin kong makulay ang aking kapaligiran…
No comments:
Post a Comment