Image Via Wikimedia Commons |
Kung maibabalik ko lang ang pag-ikot ng orasan
Upang muling mahagka’t masilayan ang nakaraan
At muling marinig ang saya ng mga halakhak
Naming magkakapatid na puno ng kakulitan:
Nagtutuksuhan sa isa't-isa, kasama’y mga kaibigan
Ay gagawin ko upang mabawasan ang aking lungkot…
Ngunit ito'y mga pangarap na lamang ngayon
Ang tuhod ko'y nanghihina na pati ang panulat
Ko'y bali-bali na, ang boses ko’y namamalat na
Ang tingin ko sa kulay puti'y itim, mahina na
Ang aking pandinig, ang puso ko'y sumisigaw
At hinahangad na kunin na ang kaluluwa ko…
Ngayon ang aking mga kapatid ay katulad na
Ng mga asong gutom, sa isang kapirasong buto
Sila’y nag-aagawan, wala silang paki-alam
Kung sino sa kanila ang mapipiko’t masasaktan
Ang iba sa kanila'y may pera, ngunit ‘di nila alam
Kung paano gastusin ang kanilang kayamanan...
Ang iba sa kanila ay mahilig magtinda pati
Ang karangalan nami'y ibinibinta sa mapanglinlang
Mga mangangalakal na naglipana sa aming bayan
Tanging hiling ko ngayon, sila'y magkasundo na
Bago man lang matapos ang buhay ko sa mundo
At bago ako'y pumalaot sa sinapupunan ni Bathala…
Ang paki-usap ko ngayon, 'wag munang hihinto puso ko
Sa iyong paghinga, hintayin muna silang magkaisa!
No comments:
Post a Comment