Image Via Wikimedia Commons |
Kay ganda ng iyong pangalan
Tawag sa iyo’y Perlas ng Silangan
Mamahaling hiyas na dapat alagaan...
Ito marahil ang dahilan na ika’y pinagaagawan
Ng mga banyagang nagmula pa sa malayong bayan
Na sumakop at nagpasasa sa iyong bango’t kagandahan...
Habang ika’y pinahihirapan sumiklab ang himagsikan
Buhay at dugo mula sa magigiting mong angkan
Bumaha’t nalibing sa lupa kapalit ng iyong kalayaan...
Dahil sa kanilang ‘di matatawarang kagitingan
Naisulat ang ‘di malilimutang kasaysayan
At ‘yan ay ang pagkakaroon ng sariling kasarinlan...
Pero ngayon ika’y nasasadlak sa kapighatian
Dala ng nagkakagulong sambayanan
Ang isa’t-isa’y nagsisiraan at nagpapagalingan...
Dati’y maririnig mo’y sigaw laban sa mga dayuhan
Ngayon mga sigaw ng mga taong-bayan
Laban sa kapuwa at sariling angkan...
Panawagan lang po, mga kabayan at kaibigan
Ilayo natin si inang-bayan sa kapahamakan
Lapatan natin ng lunas ang sakit na kanyang nararamdaman...
Ipagkaloob natin sa kanya ang katahimikan
Pagbuklurin natin ang ‘di magkasundong mamamayan
Ipaalam natin sa kanila ang katotohanan...
Na ang tunay na solusyon sa problema’y ‘di karahasan
Ang mapapala nito’y kaguluhang walang katapusan
Sa bansang Pilipinas, lupang hinirang, na ating kinagisnan!
No comments:
Post a Comment