Image Via Wikimedia Commons |
Nang malapitan na bahagya nang
Nangungulubot ang balat ng iyong mukha
At may manaka-nakang peklat at gasgas
Sa iyong mga braso at binti na dati ay
Sing-puti at kinis iyon ng gulay na labanos
Ngayon 'di mo na magawang magpaganda
Pati mga labi mo'y maputla, ang buhok mo
Ay tuyong-tuyo na at nangangamoy tabako
Bagama’t nalipasan ka na ng panahon
Nguni’t bukambibig ka parin ng mga tao
Pati ang mga bata’y nahuhumaling sa’yo
Ano ang mayroon ka na wala ang iba?
Sa ilalim ng init ng araw at buhos ng ulan
Mga labi mo’y laging nakangiti, ang lungkot
At pighati sa inyong mga mata ay napaparam
Sa t’wing nakikita mo ang mga taong lumalabas
At pumapasok sa mga lagusan ng inyong tahanan
Kanilang mamalasin ang mga bagay na may
Iba’t-ibang kulay: mga gamit sa bahay, opisina
At eskuwela; mga damit, sapatos at lahat na yata
Na kailangan nila'y makikita sa’yo sa murang halaga
Kung mapapansin ninyo mga katoto’t kaibigan
Ang aking mga pahiwatig ay pagpapatotoo lamang
Nag-iisa lang ang Al-Batha sa siyudad ng Riyadh
Pamiliha’t pahingahan ng mga Pilipinong manggagawa
At sa aking paglilibot ay isang greeting card
Ang aking nasilayan, ang mag-inang kamelyong
Naglalambingan sa isa’t-isa at sa ibaba nito
Ay may nakasulat “Ibalik n’yo na kami sa disyerto!”
No comments:
Post a Comment