Image Via Wikimedia Commons |
Sa loob ng kuwartong kay tahimik
Sigaw ni Inay liwanag handang ihasik
Sa labas mga anak n’ya na ubod ng sungit
Dagliang huminto sa pagkukulit…
Gimbal at paghanga una naming napala
Liwanag sa mukha ni Inang pinagpala
Larawan siya ng pagpakumbaba
Humarap sa madla ng buong sigla…
Mga labi n’ya’y umawit ng kundiman
Mensahe ang daladala’y kapanatagan
At pagsusumamo para sa katiwasayan
Sa loob at labas ng kanyang tahanan…
Layunin ni Ina’y magkasundo ang buong angkan
Pero sa isang pamilya ‘di maiwasan ang iringan
Ito’y katotohanan na dapat sana’y iwasan
Kung ang bawat isa’y magbibigayan…
Nang awitin ni Ina ang Kundiman
Nagpamalas ito ng pag-ako at pag-amin
Kapabayaan naging sanhi ng kaguluhan
Ngayon hangad ay kapatawaran…
Kay sarap pakinggan ang awit ni Ina
Ako’y namangha sa ganda ng mga nota
Sa tuwa’y naitanong ko sa kanya:
“Ina, susi na ba ito ng pagkakaisa?”
Pero mali ang aking sapantaha
Ang bayan ay lalung nalagay sa alanganin
Dulot ng walang patumanggang iringan
Ng ‘di nagkakaisang sambayanan!
No comments:
Post a Comment