Image Via Wikimedia Commons |
Lumulukso sa tuwa ang puso ko
Kung magagawa ko lang dukutin ito
At ialay sa nag-iisa kong mahal na nanay
Gagawin ko upang humaba ang kanyang buhay...
Sa taong 1960, ika-29 ng Abril
Ako’y isinilang sa mundo ng nanay ko
Siya ang unang humubog ng aking pagkatao
Ako’y kanyang inaruga’t inalagaan ng husto
Walang maihahambing ang kanyang pagmamahal...
Sabi n’ya, ako’y kanyang tangan-tangan
Sa sinapupunan ng siyam na buwan
Ina-awitan ng masasayang awitin
Gusto n’ya paglabas ko sa sanlibutan
Ay masayang mundo ang aking masisilayan...
At nang ako’y iluwal na sa mundong ibabaw
Mabuting pag-aalaga ay sa akin ipinalasap
Ipinasyal sa malawak na kaparangan
Ipinakita ang mga alon sa karagatan
At iba’t-ibang hugis ng ulap sa kalangitan...
Kasama ang mga ibon sa himpapawid
Ang pagaspas ng kanilang mga pakpak
Ay awit ng katahimika’t kapanatagan
Paano ko po kayo mapapasalamatan inay
Sa kabutihan sa aki’y iyong ibinigay?
Ang hirap na dinanas n’yo po para sa akin
Pagsamahin man ang lahat ng ginto’t
Mga diyamante sa mundo’y ‘di sapat
Ngunit sa puso ko, kayo po’y laging buhay
Mahal na mahal ko po kayo Nanay!
No comments:
Post a Comment