Image Via Wikimedia Commons |
Dahil sa matinding kahirapan ngayon
Na nararanasan ng mga anak-pawis
‘Di maikukubli ang aming himutok
Balde-balding luha’y aagos sa ilog
At mga hinanakit dahil sa kawalan…
At ‘di matatapos ang iba’t-ibang daing
Ng nakararaming mga maralitang Pinoy
‘Di kayang pigilan ang aming poot at galit
Kaharap ma’y punglo kami’y tuloy-tuloy
Na iwawagayway ang aming mga karaingan…
Ang aming hinaing ay kaparusahan
Para sa mga tuso’t mga mandarambong
Mga abusado at mga nagnanakaw
Sa kaban ng bayan, sila’y dalhin sa kulungan
At sila’y ipakain sa buwayang gutom…
Subali’t kaming mga maralitang Pinoy
Ay may puso’t may takot sa Maykapal
At dahil mabait kami’t maka-Diyos
Aming hihilingin sa Diyos na Poon
Huminto na kayo sa inyong masamang gawa…
Dapat magbago na kayong mga hinirang
Ang pangungurakot ay huwag atupagin
Salapi ng bayan ay inyong ingatan
At bigyan ng lunas ang mga nagdarahop
Hustisya’t trabaho ang inyong igawad!
No comments:
Post a Comment