Image Via Wikimedia Commons |
Mga kandidato’y mag-uunahan na naman
Sa harapan ng ating mga tarangkahan
Upang muli’y hilingin ang ating mga boto…
At muli’y ipaparinig sa atin
Ang kanilang mga novelty na awitin
Na naglalaman ng matatamis na pangako
Sila’y makikiusap at magmamakaawa
Na muli silang tangkiliki’t pagtiwalaan…
Nguni’t kabayan, magmatyag tayo
Sapagkat ang iba sa kanila'y may dilang matatamis
Ang bawat salita na kanilang ipapatak
Ay higit na matamis sa asukal
At lupak na mabibili sa tindahan…
Kahit ang mga natutulog na langgam
Ay magigising at hahanapin
Ang tilamsik ng kanilang mga laway
Sisipsipin nila kahit malunod sila sa amoy…
Lahat sila’y may kani-kaniyang estilo
Sa pagsila ng mga bagong bibiktimahin
Gamit ang kanilang mapanglinlang ngiti
Kindat ng kanilang mapupungay na mata
Habang sila’y nakikipagkamay sa mga tagahalal…
Ang iba sa kanila ay mapanglinlang
'Tulad ng ibong mandaragit na sa t’wing
Natutulog ang inahing manok
Ang kanyang mga sisiw ay dadagitin
Dadalhin sa itaas ng kalangitan
At doo’y paglalaruan, lalapai’t lalamunin!
No comments:
Post a Comment