EDSA |
H’wag n’yo sanang dibdibin ang sasabihin ko
Lahat ng ito’y mula sa naguguluhan kong puso
Naghahangad na sana lahat tayo’y magkasundo...
Hindi natin maitatago ang krisis na nararanasan
Ng mga mamamayan ng bansang Pilipinas sa kasalukuyan
Maririnig iba’t-ibang sigaw ng sambayanan...
May kaniya-kaniyang estilo at pamamaraan
Na maiparating sa namumuno ng pamahalaan
Ang iba’t-ibang daing, hinaing at panawagan...
Ang baguhin ang sistema ng gobyerno
Magpalit ng mga taong magpapatakbo nito
At parusahan ang mga taksil at tuso...
Dagdag pa rito’y mga bilihin tumataas sa pamilihan
Kasama ang koryente, gasul, gasolina at iba pa
At umaasa na lahat ng ito’y masolusyunan...
Ito’y katotohanan lamang na tayo’y malaya
May demokrasya sa loob ng ating bansa
Nirerespeto ang karapatan ng bawa’t isa...
Nguni't ngayo'y may banta ang Cybercrime Law
Ito bang batas ay dapat bang katakutan
Kung ang nais lamang natin ay ipahayag
Ang ipinipintig ng puso't isipan?
Hanggang kailan mananawagan ang bayan?
Kailan hihinto ang paghiyaw ng mga mamamayan?
Kung sila ba’y lugmok na at wala nang pakinabang?
‘Di kaya ang pagkakasundo ang kailangan
Ng mga opisyal ng bayan at mga mamamayan
Para tuluyan nang wakasan ang pighati ni Inang-Bayan?
No comments:
Post a Comment