Sa tuwing iikot ang orasan, maaaring ikaw,ako,tayo
Ay nababahala, takot sa bawa't segundong
Paglipas, lakas nati’y unti-unting napaparam
Katawan nati’y unti-unting nanghihina dahil 'di
Maglalao’y papalapit tayo sa ating huling hantungan…
Sa t'wing lulubog ang araw, ilaw nito’y napaparam
Na sa ati’y tanglaw, kadilima’y bumabalot sa
Sangkatauha’t doo’y maririnig ang pighating sinisigaw
Sing-lakas ng tunog ng kidlat, yumayanig sa kaparangan
At kabundukan, panaghoy ng kasiphayuan dahil
Sa takot na wala ng bukas tayong masilayan…
Sa gitna ng madilim na sulok mga mata
Ay makikitang lubog sa pagluha, dumadaloy
Ang dalisay na tubig, kasing-lamig ng tubig
Sa batis, walang puknat ang pagtangis
Hanggang ang mga ito’y kusang huminto…
Kung p'wede nga lang ibalik ang pag-ikot ng orasan
At ibalik ang oras ng ating kabataan kung saan ay
Tahimik tayong nanimlay sa loob ng tahimik na
Mundong bumalot, nag-aruga’t nagbigay buhay sa atin
Ang hininga nila’y nagbigay lakas sa atin at sa bawa’t
Saya na kanilang tinamasa’y pintig yaring buhay…
Sa liwanag tayo’y pinagpala, sa malawak na kaparangan
Mga nakatayong magagandang halaman, mga tanawin
Sa kabukiran, mga alon sa karagatan, mga ulap sa
Kalangitan, kasabay ang mga nagliliparang ibon
Sa himpapawid, ang pagaspas ng kanilang
Mga pakpak ay awit ng kapanatagan…
Ang busilak ng haring araw ay hudyat ng magandang buhay
Ang simoy ng hanging amihan ay lakas natin at pagsapit
Ng gabing tahimik mga bituin sa langit ay pananglaw
Sa daraanan at gigiya sa ating patutunguhan…
Ang mga lagitik ng kawayan ay hudyat ng katuwaan
Mga nagsisipagsayaw sa kaligayahan sa tuwing
Hahampas ang malambing na hangin nandoon
Yumuyuko sila, minsa’y dumadapa nguni’t
Yaring lakas ay ‘di naparam, bumango’t tumindig
Sa galak upang harapin ang bagyo ng buhay…
Napakasayang pakinggan mga ibong umaawit
Sa kabundukan, nagbibigay ligaya yaring pusong
Matamlay, nagpipista sa kagalakan sa bawa’t
Segundong pag-ikot ng orasan nguni’t hanggang kailan
Itong ligayang ninanais yaring pusong makamundo
Paano kung tumigil na ang pag-ikot ng orasan?
Halina’t humayo tayo, samasama nating aliwin
Ang ating kabataan baka bukas huminto ang pag-ikot
Ng orasan at maiwan tayo sa daigdig ng kalungkutan…
Tayo’y magsaya, tumawa, umawit at sumayaw
Magpugay sa Poong Maykapal maging handa tayo
Sa bawat bukas na darating buksan ang puso para
Sa Kanya maging masigla tayo sa bawat segundong
Lilipas, ‘wag natin sayangin ang bawa’t oras ng buhay
Dahil lahat ng saya ay may katapusan…
At kung lumubog man ang araw, payapa tayong
Haharap sa Maykapal at doon lamang mababakas
Na lahat ng makamundong kaligayahan ay may katapusan
Katulad ng orasan ang pag-ikot nito’y may hangganan…
Sabi nila ay maghigpit ng sinturon
Pero makakatiis ba kung nagugutom?
Bagama’t tiyak doon paroroon
Kung ang bansa ay ‘di makakaahon…
Panahon na upang magkaisa
Iringan sa pamahalaan ay kalimutan na
Dahil paghihirap ay lalung lumalala
Bansa ay palubog sa halip na maisalba…
Mga kababayan, tayo ay manalangin
Sabay sana nating dasalin at hingin
Sa Diyos Amang may lalang sa atin
Gabayan ang ‘Pinas, tanging bayan natin…